Sis. Tet Assen | July 13, 2025
Isang pinagpalang araw ang naganap sa PCMI Adelina sa pagbisita ng PCMI Main Church noong nakaraang Pebrero 2025. Ito ay pinangunahan ni Pastor Gilbert Gamboa, kasama ang kanyang maybahay, Pastora Yeng Gamboa, at ilan pang miyembro ng PCMI Main church. Ang pagbisita na ito ay hindi lamang nagpakita ng matibay na ugnayan ng iglesiya ng PCMI kundi, naghatid rin ng makapangyarihang mensahe ng Panginoon na pinamagatang “Blessed Beyond Measure.”
Ilan sa mga mahahalagang aral na napulot ng kongregasyon sa naturang mensahe ay nagpalalim ng kanilang pananampalataya sa Diyos.
Ang sermon ay nagbigay-diin sa walong mahahalagang katotohanan:
1️. Ang walang kapantay na habag at pag-ibig ni Cristo — Tunay na kahanga-hanga at hindi maarok ang lalim ng Kanyang habag at pag-ibig na nagbibigay sa atin ng halimbawa kung paano natin dapat mahalin at tratuhin ang ating kapwa.
2️. Ang balanse sa ministeryo — Higit sa ating espiritwal na paglago, binigyang-diin na dapat ring tugunan ng ministeryo ang pisikal na kalagayan ng tao. (Mateo 14:16-17)
3️. Ang pagsubok ng Diyos sa ating pananampalataya — Bagamat tayo ay gumagawa ng mga plano at hakbang sa buhay, ang Diyos pa rin ang siyang may higit na karunungan at nakakaalam ng tunay na pinakamainam para sa atin. (Juan 6:5-6)
4️. Ang pagsunod sa Diyos — Sa pagsunod sa Kanyang mga tagubilin, inilalagay tayo ng Diyos sa tamang posisyon upang matanggap natin ang saganang pagpapala. (Lukas 9:14)
5️. Sa panahon ng ating kasadlakan, dadalhin tayo ng Panginoon sa luntiang pastulan — Sa gitna ng kahirapan at pagsubok, may pahingahan at kasaganaan na inihahanda ang Diyos para sa atin.
6️. Magagamit ka ng Panginoon anuman ang iyong edad o katayuan sa buhay — Bata man o matanda, mayaman o mahirap, kung handa kang ibigay ang iyong buhay upang pagsilbihan ang Panginoon ng buong puso, tiyak na gagamitin ka Niya ng makapangyarihan para sa Kanyang kaluwalhatian. (Juan 6:6-9)
7️. Hayaan mong basagin ka ng Diyos upang maranasan ang paglago — kapag tayo ay nakakaranas ng mga kabiguan at pasakit, ginagamit ito ng Panginoon upang tayo ay lumago sa pananampalataya at tiwala sa Kanya. Ating mapagtatanto na ang Diyos ay higit sa lahat ng ating mga pinagdadaanan at kung loobin Niya, tayo ay makakaranas ng kasaganaan ng pagpapala na higit pa sa ating inaasahan.
8️. Ang pagpapala ng Diyos ay higit pa sa ating pinakamalaking pangarap at inaasahan — Kayang higitan ng Diyos ang anumang pinapangarap o inaasam natin, at ipagkakaloob Niya ang higit pa sa ating maisip, ayon sa Kanyang dakilang plano.
Ang pagtitipon ay naging masigla at puspos ng presensya ng Diyos, kasabay ng awitan ng papuri, at mainit na pagtanggap ng mga kapatiran mula sa PCMI Adelina. Tunay na damang-dama ang kagalakan at pag-asa sa muling pagkikita at pakikinig sa Kanyang salita.
Sa pagtatapos ng gawain at simpleng pagtitipon ng kapatiran, bawat isa ay napaalalahanan na tayo ay “Blessed Beyond Measure”—pinagpapala ng higit pa sa ating hinihiling o iniisip, basta’t patuloy tayong magtitiwala at susunod sa ating Dakilang Diyos.