Sis. Tet Assen | July 13, 2025
Noong Hunyo 28, 2025, matagumpay na isinagawa ang Holy Spirit Seminar sa PCMI Adelina na nilahukan ng mga kapatiran mula sa Adelina at Langkiwa. Layunin ng pagtitipong ito na mas makilala pa ang Banal na Espiritu at mas pagtibayin ang relasyon ng bawat mananampalataya sa Panginoon.
Ang mga mensahe ay ibinahagi ng mga pastor mula sa PCMI Adelina at Langkiwa na kinabibilangan nila Pastora Eda Ronquez, Pastor Roger Malimata, Pastora Helen Padolina, Pastor Mc Aliluran, Pastor Jere Aliluran, Pastor Larry Aliluran at Bishop Andy Padolina. Ang kanilang mga pangangaral ay nakatuon sa pagpapakilala sa Banal na Espiritu, ang Kanyang papel sa ating buhay, at kung paano natin Siya mas maisasabuhay sa ating pananampalataya.
Mga Tinalakay na Paksa:
Ang Banal na Espiritu ay Isang Persona
Hindi lamang isang puwersa ang Banal na Espiritu; Siya ay isang Persona na may damdamin, kaisipan, at kalooban, at nais Niyang magkaroon tayo ng personal na ugnayan sa Kanya.
Ang Banal na Espiritu ay Diyos
Ito ay ayon sa 2 Corinto 3:17, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu.” Makikita rin sa Lucas 3:21-23 ang presensya ng Banal na Espiritu bilang bahagi ng Trinity na nagpapakita ng Kanyang pagka-Diyos.
Ang Banal na Espiritu Bilang Tagapayo
Sa Juan 14:26, tinukoy ang Banal na Espiritu bilang Tagapagturo o Tagapayo o Patnubay, na magtuturo sa atin ng lahat ng bagay, magpapaalala ng mga turo ni Jesus, at magsisilbing Tagapayo at Tagapamagitan ng mga mananampalataya.
Ang Banal na Espiritu ay magkatulad noon at magpahanggang sa ngayon
Isang napakalaking kaaliwan na malaman na ang Diyos ay hindi nagbabago; ang Banal na Espiritu ay Siya pa rin noon, ngayon, at magpakailanman. Bagamat ang tao ay madalas sabik sa pagbabago o magkaroon ng mga bagong bagay, ito ay magsisilbing paalala sa atin na ang higit na kailangan natin sa ating buhay ay ang katapatan ng Panginoon na hindi magbabago sa habang panahon.
Ngayon ang Panahon ng Banal na Espiritu
Ngayon ang panahon ng Banal na Espiritu ayon kay Jesus (Juan 13:33; Juan 14:16-17) dahil Siya ay kasama natin at nananahan sa atin (Efeso 1:13), at nagbibigay ng lakas at kapangyarihan (2 Timoteo 1:7; 1 Corinto 2:4-5) sa atin. Kailangan lamang nating magpasakop at hayaan Siyang kumilos sa ating buhay.
Ang Ating Pagtingin at Tugon sa Banal na Espiritu
Bilang mga mananampalataya, dapat nating kilalanin ang Banal na Espiritu bilang mahalagang bahagi ng ating buhay. Tulad ng sinabi ni Billy Graham (isinalin sa Tagalog): “Ako ay naniniwala na ang mapuspos ng Espiritu ay hindi isang opsyon, kundi isang pangangailangan. Ito ay kailangan para sa masaganang buhay at mabungang paglilingkod. Ang puspos ng Espiritu na buhay ay hindi abnormal, ito ang normal na buhay Kristiyano. Ito ay para sa lahat, kailangan ng lahat, at iniaalok sa lahat. Kaya’t iniutos ng Kasulatan: ‘Mapuspos kayo ng Espiritu.’”
Ang Paghahandog at Paghirang ng Banal na Espiritu
Ang paghirang o pag-anoint ng Banal na Espiritu ay mahalaga para sa mga mananampalataya. Ito ay nagbibigay kapangyarihan para sa ministeryo, patotoo, at espiritwal na paglago, tumutulong upang matupad ang layunin ng Diyos, makilala ang katotohanan, at maranasan ang kapangyarihan ng Espiritu.
Nagtapos ang gawain sa taimtim na pananalangin at pag-anoint sa mga mananampalataya. Itinaas ng mga lider ng iglesia ang bawat isa sa panalangin sa Diyos upang mapuspos ng Banal na Espiritu at mabigyan pa ng kapangyarihan para sa kanilang pananampalataya at paglilingkod.
Ang Holy Spirit Seminar na ito ay hindi lamang nagbigay ng bagong kaalaman, kundi nagdulot din ng sariwang apoy at pananabik sa puso ng bawat dumalo. Ito ay paalala na hindi natin kayang mabuhay nang matagumpay sa pananampalataya kung wala ang Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng Kanyang presensya, natututunan nating magtiwala, magpasakop, at mamuhay nang may kapangyarihan at layunin para sa kaluwalhatian ng Diyos.