Bro. Jeff Diones | July 13, 2025
Noong Abril 17 at 18, nagsama-sama ang mga mananampalataya ng Pag-Ibig Christian Ministries, Inc. mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon para sa ginanap na kapulungan na tinawag na “Blessed Beyond Measure.” Ito ay dalawang-araw na pagtitipon na nagdala ng bagong alab at pananampalataya, at malalim na pakikipag-isa sa katawan ni Kristo. Ginanap ito sa Victory Christian Fellowship Church sa Robinsons Sta. Rosa, Laguna, na pinangunahan ng PCMI Main Church, sa pamumuno ni Pastor Gilbert Gamboa.
Tumugon sa panawagan ang mga iglesia mula sa iba’t ibang rehiyon upang magtipon sa pagkakaisa at pagsamba. Kabilang sa mga lokal ng PCMI churches na dumalo ay ang mga kongregasyon mula sa Isabela, Bataan, Pampanga, Nueva Ecija, Manila (Sta. Mesa), Sta. Rosa (Caingin at Sinalhan), Adelina, Arise Shine, Infanta, Quezon, Plaridel, Quezon, at Tagkawayan, Quezon. Ang pagdalo ng mga kapatiran mula sa iba’t ibang panig ng Luzon ay nagbigay ng kakaibang kulay at kagandahan sa pagtitipon, sumasalamin sa yaman at lawak ng misyon ng iglesia sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon.
Ang dalawang araw na Gawain na ito ay binalot ng makapangyarihang papuri at pagsamba. Higit sa simpleng pag-awit at pagsamba, ito ay naging daluyan ng tunay na pakikitagpo, pagsuko at lubos na pag-ibig sa Diyos.
Isa sa mga tampok ng kumperensya ay ang pangangaral ng Salita ng Diyos mula sa iba’t ibang pastor at obispo ng mga PCMI churches. Bawat mensahe ay ginabayan ng Espiritu Santo. Ang mga mensahe ay napapanahon at naglalayong patatagin ang pananampalataya ng mga dumalo at hamunin silang lakaran nang may kumpyansa at tapang sa nais ng Panginoon para sa kanilang buhay. Ang temang “Blessed Beyond Measure” ay nagpaalala sa lahat na ang pagpapala ng Diyos ay hindi lamang materyal, kundi espiritwal, emosyonal, at ito ay magpasawalang hanggan.
Isa din sa pinakatumatak at nakaaantig na bahagi ng Gawain ay ang pagbabahagi ni Bishop Jun Gamboa ng isang taos-pusong mensahe na tumimo sa puso ng mga lider at miyembro. Ito ay nagbigay-diin sa hindi nagbabagong katapatan ng Diyos at ang kapangyarihan ng pagkakaisa sa katawan ni Kristo. Tunay na ito ay nagbigay-inspirasyon sa marami na suriin ang kanilang personal na lakad kasama ang Panginoon. Natapos ang mensahe sa isang makapangyarihang panalangin para sa buong kongregasyon. Dinulog sa panalangin para sa bawat kapatiran ang pagpapala, kagalingan, at pag-asang sa ating Panginoon lamang matatagpuan.
Natapos ang pagtitipon sa pamamagitan ng panalangin at pagtatalaga ng mga kamay sa mga miyembro ng iglesia na pinangunahan ng mga obispo at pastor ng PCMI. Tumanggap ang mga dumalo ng personal na panalangin, paghihikayat, at mga salitang may propesiya. Marami ang nagpahayag ng kagalingan, tagumpay, at matinding pagdama sa presensya ng Diyos sa mga personal na sandaling ito ng ministeryo.
Ang kumperensya ay hindi lang isang kaganapan, kundi isang karanasan ng pagbabagong-buhay at pagpapanumbalik. Ang mga lider ay na-refresh, ang mga miyembro ay pinalakas, at ang pagkakaisa ng mga iglesia ay mas lalo pang pinagtibay.
Natapos man ang pagtitipon, malinaw na dama ng lahat na ito ay hindi katapusan, kundi simula pa lamang ng higit pang dakilang pagkilos ng Diyos sa loob at labas ng mga PCMI churches. Ang bawat puso ay umuwi ng may kagalakan at baong pagpapala sa Panginoon na kailanman ay hindi kayang sukatin ng mundo.