Binago ng Pag-Ibig Mo
by Bro. Christian Morando | November 24, 2024
by Bro. Christian Morando | November 24, 2024
May mga taong para sa atin ay madaling mahalin,
Mga taong kamahal-mahal at mabuti,
Mga taong madaling pakisamahan at kaibiganin,
Sana’y sila lamang ang kailangang mahalin.
Sabi mo “Mahalin ang kaaway,”
Ni bigyang pansin sila ay ‘di ko magawa,
Kaya kaysa magkasala,
Mas pinipiling manahimik nalang.
Kaunting kibo nila’y itsa sa dugo kong nag-iinit,
Nakakapagod umintindi.
Kung sana’y katulad lang sila ng iba,
Mga taong karapat-dapat mahalin.
Tanong na sumagi sa aking isipan,
Hindi ba’t ako’y isang taong tulad din nila?
Taong hindi gusto ng lahat,
Taong hindi kasundo ang lahat.
Mahalin sila’y di ko magawa,
Pero katulad nila, hindi rin ako karapat-dapat.
Hindi karapat-dapat sa wagas mong pag-ibig,
Hukom ang nararapat na ipataw sakin.
Pero kahit anong pangit, dumi, at pagkakasala ko,
Pagmamahal ang inalay mo,
‘Di tulad ko, na ang hatid sa iba’y kung anong nararapat sa kanila,
Minahal mo ako.
Kaya ano pa nga bang magagawa ko?
Minahal mo ako at marapat lamang na iparanas ko,
Iparanas sa iba ang mga natatamasa ko,
Natatamasa ko ng dahil sa pag-ibig Mo.
Kaya kaysa umiwas ay iintindi nalang,
Kaysa manakit ay yayakap nalang,
Kaysa mainggit ay papalakpak nalang,
Kaysa manghusga ay magmamahal nalang.
Dahil katulad nila,
Hindi rin ako karapat-dapat,
Isa ring makasalanan
Pero binago ng pag-ibig Mo.